Rabies

May 17, 2011 § 60 Comments

Hay, problema.

Nakagat na naman ng aso kong si Pokeybear ang cousin ko (na kasama ko rin dito sa bahay). Pangalawang beses na ito. Una itong nangyari, Nobyembre ng nakaraang taon. Naghuhugas lang ng pinggan sa kusina si cousin. Bigla na lang siyang nilapitan ni Pokey at kinagat sa sakong. Walang mga malalalim na sugat, pero maraming mga galos. Hinugasan lang ni cousin ang kanyang sakong at pumunta na kami ng clinic. Nagpaturok lang ng anti-tetanus shots. Hindi na sya kinailangang turukan pa ng rabbies (passive) vaccine.

Pero iba ang sitwasyon ngayon.

Nakagat ulit ang cousin ko kaninang umaga lang at sobrang lalim na ng mga sugat. Grabe ang dugo. Hindi ko nakayanan. Sabi ko, “Hugasan mong mabuti. Text natin si tatay mo para masamahan ka nya sa clinic.” Grabe ang takot ko. Ayokong nakakakita ng sobrang daming dugo. Nahihilo ako. Kasama niya si tito, pumunta na sila ng clinic. Hindi na ako mapakali. Naiyak na ako.

Labin-dalawang shots daw ang kinakailangan. Dalawang vials ng ERIG at ng kung anu-ano pang mga gamot. Halos 9 libong piso lahat ang magagastos. Problema nga kasi malaking pera rin yun. Pero mas mahalaga ang buhay ng cousin ko kesa sa pera. Medyo okay na rin ang pakiramdam ko at nabigyan na si cousin ng gamot at ATS.

Meron lang bumabagabag lang sa isipan ko. Sa pagkakaintindi ko lang kasi, kapag regular na nababakunahan ang isang aso laban sa rabies, eh maaari na nating i-assume na rabies-free na ang aso. Pero mali pala. Dahil nabakunahan man o wala ang isang aso, eh kelangan pa rin daw kumuha ng mga injections. Kaya naguluhan lang talaga ako. Eto raw kasi ang sabi ng doctor.. “Kahit pa may nabakunahan na ang aso, kailangan pa ring injectionan ang nakagat.” Kaya parang useless lang. Regular naman kasing nababakunahan si Pokey. Kada taon, walang mintis. (2 years old palang si Pokey). Hindi ko rin sila pinapayagang lumabas ng bahay at sumama sa ibang aso. Pero eto nga..

Para saan nga ba ang anti-rabies na bakuna? Hindi ko lang maintindihan, pero magpapatuloy pa rin naman ako sa pagpapabakuna sa mga alaga kong aso.

Medyo okay na ako ngayon. Medyo nakahinga na ng maluwag kasi alam kong nabigyan na si cousin ng first aid. Kanina kasi, grabe ang iyak ko. Todo iyak. Kinausap ko pa sa Pokey.

Bakit mo ba kinagat ulit si ____? Pumasok lang ng kwarto yun para ibalik yung notebook na hiniram nya, hinabol mo na agad. Natatakot na ako para sayo, Pokey. Baka kasi.. baka kasi.. iutos nila nanay at tatay na… patayin ka na lang. Hindi tamang nangangagat ka ng tao. Hindi rin tama na lahat na ng tao na gustong lumapit sa akin, eh pagseselosan mo. Strike 2 ka na, Pokey. Bakit ka ba kasi ganun?

Sana, naintindihan nya ako. Sana, magtanda na sya. Sana, hindi na umabot ng strike 3.

Where Am I?

You are currently browsing the DOGS category at Ako si Leah..