KM2: Dalamhati

June 8, 2011 § Leave a comment

Fiction.

Punong-puno ako ng lugami, ako’y nangangalumata.

Gabi na. Gusto ko nang umuwi pero hindi ko alam kung saan patungo. Nalilito ako. Naglalakad habang humihikbi. Hindi ko na alintana ang mga tao sa paligid. Nakatingin. Nagmamasid. Nagtataka. Umupo ako sa isang bangko, at dun na ako tuluyang humagulgol.

“Bakit ganun?”

Hindi ko napigilang sumigaw. Narinig ko ang alingawngaw ng aking tinig, kasunod ang halinghing ng mga tao sa paligid. Napayuko ako sabay hugot ng isang malalim na buntong hininga.

“Bakit ganun? Nagmahal ako ng tunay pero…. ?”

Mas masakit pa sa kagat ng dikya ang ginawa nyang pagtatraydor. Ang dulot ng pagtataksil na yon ay isang sugat na walang dugo, pero magbibigay naman ng isang malaking peklat.

“Hindi ako banal. Ang tanging adhikain ko lang naman ay mabuhay nang masaya at nang may kaluwalhatian. Pero napaka-unfair. Ako na ang nagmahal nang tunay, ganitong sakit pa ang aking naranasan? Bakit??”

Walang tigil ang pagdaloy ng luha.

“Hindi ko alam kung saan ako nagkulang. Hindi ko alam kung saan ako nagkamali. Kung bakit nya naisipang ako ay saktan. Minahal ko naman siya nang buong-buo. Walang halong kaplastikan… Pero bakit ganun? Bakit ako pa?”

Nakaramdam ako ng panigbuho sa mga kakilalang mas matamis pa sa pulot-pukyutan ang pagtrato sa karelasyon.

“Mabuti pa sila.”

Naaawa na ako sa aking sarili. Parang gusto ko na lang pumasok sa isang yungib at hindi na lumabas kahit na kelan. Hihintayin doon ang isang taong magliligtas. Titiisin ang kalungkutan, hanggang sa kung kelan darating ang manananggal ng dalamhating pinagdadaanan.

Hindi pa rin tumigitil sa pagluha. Inilabas ang lahat ng sakit. Alam ko, malalampasan ko rin ang pagsubok na ito. Pero sa ngayon, ang hirap. Ang sakit-sakit.

Nakakaawa. Hindi na ako mukhang maharlika. Halintulad ng pagpapakita ng kuyukot, nakakahiya ang aking estado. Nakaupo sa isang bangko. Nag-iisa. Nakayuko. Lumuluha.

Gabing-gabi na. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang umuwi….

 

Leah S. Sayomac

Iloilo City, Philippines

newlife at hotmail dat ph

KM2: Daloy Diwa (J.Kulisap)

Tagged: , ,

Comments are closed.

What’s this?

You are currently reading KM2: Dalamhati at Ako si Leah..

meta

%d bloggers like this: