Ang Teddybear

September 8, 2011 § 49 Comments

“Ang cute talaga…”

Nakatayo lang si Janna sa loob ng isang toy store. Nakatanaw sa isang napakacute na teddybear na naka-display sa isang shelf. Ilang beses nyang binabalik-balikan ang toy store na yun. Umulan man o umaraw, lagi siyang dumadaan dito para masilayan ang teddybear. Gusto nya itong bilhin

Ang problema.. Wala syang perang pambili.

Mahirap lang ang pamilya ni Janna. Pero dahil na rin sa kasipagan ng kanyang mga magulang, eh kumakain naman sila nang tatlong beses sa isang araw. Nag-aaral rin silang apat na magkakapatid. Ang tatay nya ay nagtatrabaho bilang isang traysikel drayber. Ang nanay naman ay matiyagang naglalaba ng mga damit ng mga kakilala tuwing sabado’t linggo, para lang may maidagdag sa kita ng asawa.

Walong taong gulang si Janna. Mabait. Masipag. Matalinong bata. Pumapasok sya sa isang pampublikong paaralan na malapit lang sa kanilang bahay. Sampung piso lang ang kanyang baong pera kada araw. Minsan, kinakapos din pero ayos lang yun sa kanya. Sa ganung kamurang edad, naiintindihan na nya ang mundong ginagalawan.

Kailangang magtiis. Kailangang magtipid. Mahirap ang buhay.

………………………..

Una nyang nakita ang teddybear noong pitong taong gulang palang sya. Papauwi siya galing school noon, nang mapatingin sya sa loob ng toy store. Dun nakadisplay ang isang malaking stuffed toy na oso. Kulay brown. Napakaganda. Napaka cute. Naglakas-loob siyang pumasok sa toy store at nagtanong..

“Ate. Magkano po ba yung teddybear?”

“Ah, eto ba?”, sagot ng nakangiting babae, sabay kuha ng isang teddybear at tiningnan ang price tag. “400 pesos ang isa. Ang cute, ano? Bibilhin mo ba?”

“Naku, hindi po. Nagtatanong lang po. Opo.. ang cute talaga nya. Kaso po, wala pakong ganyang kalaking pera. Salamat na lang po, Ate. Magandang araw.”

Simula noon, binabalik-balikan na nya ang naturang toy store. Araw-araw, bago umuwi ng bahay ay dumadaan muna sya dito para makita ang kinaaaliwang teddybear. Umulan man o umaraw, lagi nya itong binibisita.

“Ate, andito po ako ulit. Tingnan ko lang po yung teddybear.”, masayang pahayag ni Janna sa babaeng nakabantay sa toy store.

“Haha. Sige, Janna.”

Gustong-gusto talaga nyang mabili ang laruan. Nagsimula syang mag-ipon ng pera. Sa kada sampung pisong baon nya araw-araw sa school, itinatabi nya ang isang piso. Kapag sabado at linggo naman, tumutulong sya sa kanyang nanay sa paglalaba ng mga damit kaya meron din siyang naitatabing pera. Isang piso. Tumutulong din sya sa kanyang ate’t kuya sa pagbebenta ng bote’t dyaryo tuwing linggo. Isang piso ulit.

…………………………….

Nagdaan ang isang taon..

“Ate Lisa, magandang hapon po.”, sabi nya sa nakangiting babae sa likod ng counter.

“Magandang hapon naman, Janna. Oh, ayan si Teddy oh. Hinihintay ka.”, sabi ni Lisa. Sa isang taon na pabalik-balik ni Janna sa toy store, nakagaanan na nya ng loob ang isang babaeng nagbabantay sa mga laraun.

“Hehe. Oo nga po. Namimiss rin nya siguro ako, ano?”

“Haha. Oo naman. Oh ano na, kelan mo ba maiuuwi si Teddy? May isang taon mo na syang pinaghihintay eh.”, tanong ni Lisa.

“Hmm. Magkano na po ngayon ang isang teddybear?”, wika ni Janna.

“Mura na ngayon, Janna. 350 pesos na lang.”, nakangiting sagot ni Lisa.

Kumislap ang mga mata ni Janna. “350 na lang!”, naisip nya. Baka mabibili na nya bukas ang laruan. Dali-dali syang umuwi. Pagdating ng bahay, binuksan nya ang isang kahon kung saan nakalagay ang mga naipong pera.

Binilang. Piso. Limang piso. Bente. Singkwenta.

Napapakasaya ni Janna. Nakaipon sya ng 410 pesos. Mabibili na nya ang gustong teddybear bukas. Mayayakap na nya si Teddy, sa wakas. 350pesos lang yung teddybear. Meron pa syang sukli. Bibili sya ng masarap na ulam para sa pananghalian nilang lahat. Excited na siya para bukas!

Hanggang sa hapag-kainan, dala-dala pa rin ni Janna ang sigla.

“Bakit ang saya-saya mo?”, tanong ni Amy, ang panganay sa magkakapatid.

“Ang saya ko talaga, ate! Kasi mabibili ko na yung teddybear dun po sa toy store, malapit sa school.”, excited nitong sagot.

“Ah, yung dinadaanan mo lagi bago ka umuwi?”, wika ni Eric, ang kanyang nag-iisang kapatid na lalaki.

“Ate Janna, pag nabili mo na.. pahiramin mo ko ha.”, sabi namn ni Kaye, ang kanilang bunso.

“Ay oo naman, bunso. Share natin si Teddy. Hihi. Opo kuya, Dun nga po sa tindahang yun. May sapat nakong perang pambili eh. May 400 pesos din po ang naipon ko. Oh diba ang saya? Eeeeeee!! Parang gusto ko maging bukas na!!! Ngayon palang, parang gusto ko nang puntahan yung toy store at bilhin yung laruan ko! Hehehe! Nanay, mayayakap ko na po si Teddy! Makakasama ko na sya sa pagtulog ko. Tapos pag malungkot ako, meron akong makakayakap nang mahigpit. Sigurado akong napakalambot ng teddybear. Oh diba, ang galing! Meron akong… “

Patuloy lang sa pagsasalita si Janna. Damang-dama ng lahat ang saya at excitement nito na mabili ang laruang teddybear. Nagkatinginan lang ang kanyang nanay at tatay.

“Anak…”, sambit ng kanyang ina.

Napahinto si Janna sa pagsasalita.. “Po?”

“Pasensya talaga.. Pero kung may pera ka ngayon, pwede hiramin muna namin ng tatay mo?”

“Ha???”

“Kailangan lang kasi, anak. Alam mo namang di ako nakapaglaba nitong mga nakaraang araw kasi nagkasakit ako. Eh kelangan ng tatay mo ang pera. May nasira lang kasing isang bahagi sa traysikel natin. Siguro sobra 300 din kung bibilhan ng bago. Ibabalik din namin ang pera, anak. Kelangan lang kasi talaga para makapagbyahe ulit ng traysikel si tatay..” mahabang paliwanang ng kanyang ina.

Nakatingin lang si Janna sa kayang mga magulang. Unti-unting namumuo ang mga luha sa kanyang mga mata.

“Anak, naiintindihan mo naman siguro. Hindi na nga nakasama si Ate Amy mo sa fieldtrip nila kasi kulang tayo sa pera ngayon. Wala ring bagong PE uniform ang Kuya Eric mo, naghahanap pa nga kami ng mahihiraman nya. Kapos lang talaga, anak.”

Napayuko si Janna. Napaluha.

Bakit ako? Bakit yung pera ko pa? Pinag-ipunan ko yun eh! Galing sa baon ko..  akin yun eh!!“” naisip nya. Pero hindi na nya sinabi. Bagkus, eto na lang ang kanyang nasambit.

“O-okay po, nay. Ibibigay ko n lang po sa inyo mamya.”

Patuloy silang kumain. Wala nang imik si Janna. Nung gabing yun, binigay nya ang perang naipon. Niyakap sya ng kanyang ina nang mahigpit..

Napaiyak lang si Janna.

Hindi pa pala nya makukuhang yakapin si Teddy. Hindi pa pala.

“Pasensya na anak.”, sabi ng kanyang nanay.

“Okay lang po, nay. Naiintindihan ko po. Huwag na po kayong mag-alala. Pagiipunan ko pong muli. Hwag nyo na pong isipin na balikan pa ako ng pera. Tulong ko na lang din po yun.”

Oo’t sa una, nakaramdam ng galit si Janna. Nagtampo sa ina at ama. Napaka unfair nga naman. Alam ng lahat ang kanyang kagustuhan maibili ang teddybear. Araw-araw syang nagtitipid. Pinagtrabahuan nya ang pera. Pagkatapos ng lahat, eto lang din at hindi rin nya pala magawang bilhin ang gustong laruan. Nakakalungkot nga naman.

Pero napag-isip isip din nya. May mga bagay na mas importante. Naiintindihan nya ang kanyang nanay. Naintindihan nya na kelangan ng pera ng kanyang tatay. Hindi man maikakaila na siyaý nalulungkot, napangiti na rin si Janna kahit papaano. Ang kanyang munting ipon ay makakatulong sa kanyang pamilya.

…………………………

Kinabukasan. Sabado.

Pumunta si Janna sa toy store. Sinalubong siya ni Lisa na merong ngiti sa mga labi.

“Janna! Good morning! Ayan.. kunin na natin si Teddy.. tara!”

“Ate Lisa.. Sandali lang po.”

Napalingon si Lisa.

“Oh bakit?”, napahinto si Lisa sa paglalakad. “Bakit parang.. ang lungkot mo?” tanong nito kay Janna.

“Ate. Hindi ko na po mabibili si Teddy.”

“Ha? Bakit? Anong nangyari? Mahigit isang taon mo rin siyang binabalik-balikan rito. At diba, sabi mo kahapon, mabibili mo na sya ngayong araw?”

Napayuko si Janna. Bumuntong-hininga. Tapos tumingin kay Lisa nang may ngiti sa labi.

“Oo nga po, Ate. Pero may mga bagay na mas importante. Mas kailangan ng tatay ko ang perang naipon ko. Pero ayos lang po sa akin. Pag-iipunan ko na lang po ulit. Sana nga lang.. sa susunod na taon.. andyan pa rin si Teddy.” nakangiting sagot ni Janna.

Natahimik na lang si Lisa. Nakaramdam ng lungkot. Alam nya ang mga pinagdaanan ni Janna.. ang mga ginawa para lang maangkin at mabili ang teddybear. Kung pano tiniis ng bata ang init ng araw sa pagbebenta ng mga bote’t dyaryo para lang makaipon ng pera. Kung paano nito tiniis ang gutom sa school para lang may maitabing isang piso mula sa sampung pisong baon. Kung paano kinaya ang lamig ng hangin sa tuwing umuulan para lang makadaan saglit sa toy store at makita ang laruan..

“Sige po, Ate. Alis na po ako. Tutulungan ko pa sina ate’t kuya sa pagbebenta ng bote eh. Salamat po ulit.”

Umalis na si Janna ng toy store. Sisimulan na naman nyang mag-ipon ng pera. Hindi naman siguro mawawala sa tindahang yun ang teddybear. At kung uumpisahan nya ulit magtabi ng pera, siguradong mabibili nya ang teddybear sa susunod na taon.

Habang naglalakad, narinig nya ang tawag ni Lisa.

“Janna. Sandali lang!””

Nakita nya si Lisa na merong dalang isang malaking plastik bag. Papalapit sa kanya.

“Ate, bakit po?”

“Para sayo, Janna.”, sambit nito sabay abot ng dala-dalang plastik bag. Binuksan yun ni Janna at tumambad sa kanyang paningin ang nakapacute na teddybear. Kulay brown na oso. Malambot. Maganda.

“Binili ko. Para sayo.”

Napaluha si Janna.

“Ate Lisa! Maraming salamat po! Maraming salamat!!”, naluluhang sambit ni Janna.

“Eto na yun! Eto na ang laruan ko!!””, sambit nya. Sumigaw sa galak. Tumalon sa tuwa. Niyakap nya nang mahigpit si Lisa. Taos-pusong nagpasalamat sa regalong kanyang natanggap. Pagkatapos, masaya na itong umuwi.

Napakasaya ni Janna. Sa wakas, nasa sa kanya na ang pinakagusto at kinaaliwang laruan.. ang maganda, malambot at napakacute na teddybear.

…………………………

Sa buhay ng tao, may mga bagay na nangyayari na hindi natin inaasahan. Madalas, meron tayong mga plano na hindi natutupad.. kagustuhang hindi nakukuha.. pangarap na hindi nakakamit. Ang mga pangyayaring ito ay hindi natin hawak.. kaya sa tuwing tayoý hinamon at tinalo ng panahon, mas mainam na tanggapin na lamang nang buo sa ating puso at magsimulang muli.

Katulad ng nangyari kay Janna, pinaghirapan nya ang perang kanyang itinabi. Puhunan ay hirap, pagod at pagtitiis. Pero dumating ang isang pagkakataon kung saan kailangan nyang mamili. Kahit na masakit, inintindi ni Janna ang sitwasyon. Naintindihan nya na merong mga bagay na mas importante kesa sa kagustuhan nyang bilhin yung laruan. Handa siyang maghintay ulit.. magipon ulit.. magtiis ulit.. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Pasasaan ba’t makukuha rin nya ang inaasam na laruan.

Madalas, tayoý nakakaramdam agad ng galit kapag may mga bagay na sumisira sa ating mga plano. Pero sana unawain muna natin ang sitwasyon bago makaramdam ng mga negatibong emosyon. “Take a step back and reflect.”

Ganun naman kasi ang buhay. May mga gusto kang hindi mo agad-agad makukuha. Pero ang lahat naman ay darating at mapapasaiyo.. sa tamang panahon.

Kapag tayo’y matalo, subukang muli. Kapag tayo’y madapa, bumangong muli. Sa gabay ng Panginoon at sa suporta ng ating mga kapamilya at mga totong kaibigan, ngingiti rin sa atin ang kapalaran. Ipagpatuloy lang ang buhay.

Lahok para sa kategoryang Maikling Kwento ng Ikatlong Saranggola Blog Awards

Tagged: ,

§ 49 Responses to Ang Teddybear

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Ang Teddybear at Ako si Leah..

meta

%d bloggers like this: